Thursday, November 14, 2013

Place

Where will you go when the only place you know is already occupied by someone else?

Sunday, January 27, 2013

Japan Trip 2011: Day 0

Sa wakas!  Eto na ang umpisa ng mga blog post tungkol sa paglalakbay sa Japan na nabanggit dito at dito.  Matagal ko na itong naipangako at mukhang matutupad ko na ngayon.  Hehe.

Simulan natin ang kwento sa paghahanda.  Day 0 ang nasa paksa pero ang totoo ay higit pa sa isang araw ang kakailanganin sa paghahanda.  Maraming bagay ang dapat asikasuhin.  Pinagsama-sama ko lang sa iisang post ang lahat para masaya.

Una sa lahat, ano ba ang dahilan kung bakit kami pumuntang Japan?  Ang kami na tinutukoy dito ay ako at ang kapatid ko na si Lea.  Ang sagot ay para manood ng concert ng °C-ute.  Fan na fan kasi si Lea.  Pero syempre, para rin makita at maranasan ang mga nakikita lang sa mga anime, manga, at iba pa.

Ngayon, anu-ano ba ang mga bagay na dapat ihanda o paghandaan?  Maswerte kami at nakapunta na si kaibigang Wigi sa Japan kaya may natanungan kami.  Iisa-isahin natin sa baba ang bawat paghahanda na ginawa namin.

Pera.  At marami-rami dapat.  Saktong 172000 pesos ang budget namin ni Lea.  Pinalad ako na may nakuha akong pera mula sa ilang sideline bago at habang naghahanda kami.  May naibigay din ang aming nanay at may galing sa ipon din.  Ang nabanggit na pera ay buong budget na.  Dito na nanggaling ang pambili ng ticket, renta sa hotel, at iba pa.

Habang kumakalap ng pera, sinimulan na rin namin ang pag-apply ng Japan visa.  Highly recommended ang Reli Tours and Travel Agency sa SM Megamall.  Ito ang pinayo ni Wigi at pinapayo ko rin sa mga nais magpunta sa Japan.  Napakabilis ng proseso nila at alam na alam nila ang mga kailangang dokumento.  January 29, 2011 kami nagpasa ng requirements.  Nasa website nila ang listahan.  Nararapat lang na sundin ito.  Ang masasabi ko lang ay mag-enjoy sa paggawa ng daily schedule (TAIZAI NITTEIHYO).  Maraming website ang nagpapayo kung anu-ano ang magandang puntahan.  Humingi rin ng payo sa mga kakilala na nakapunta na.  Okay naman ang mga dokumento pero kulang kami ng isa.  Hindi ko alam ang dahilan pero hinahanap ang Form 137 ni Lea.  Ito yung high school grades ata.  February 4, 2011 na namin naipasa ang Form 137 dahil nag-request pa si Lea sa high school niya nun.  February 9, 2011 namin nakuha ang passport namin na may Japan visa na.  Ambilis!

Pagkakuha ng visa, kailangan na makabook ng flight at hotel.  Dahil sa Hotels.com nagbook ng hotel sina Wigi, naglakas-loob ako magbook ng flight at hotel sa Expedia.  Bukod sa affiliate ito ng Hotels.com, may flight na ring kasama ang hotel kaya mas maginhawa para sa akin.  Ilang araw din ako nagtingin sa Expedia.  Minsan, bumababa ang presyo ng flight at hotel, minsan tumataas.  Hanggang pagtingin ko isang araw ay biglang ang taas ng presyo.  Naisip ko tuloy na baka kinabukasan nun ay lalong mas mahal kaya noong February 23, 2011, nagbook na ako.  April 30 - May 7, 2011 ang mga petsa, Delta Air Lines ang eroplano, at Chisun Hotel Shinagawa-West ang hotel.  Maraming salamat kay kaibigang VT sa pagpapahiram ng kanyang credit card para makabili ako online.  Ang buong halaga ng flight at hotel para sa dalawang tao ay 73000 pesos.  Tapos kinabukasan, bumaba ulit ang presyo niya.  Hoho.

Dumating ang April 7, 2011, nagpabili kami sa isang kakilala ni VT sa Japan na si Geno ng dalawang tiket para sa concert ng °C-ute.  Kung hindi ako nagkakamali, Lawson Loppi ang ginamit niya para bumili.  Ang halaga ay 7000 pesos dalawa.  Ang mahal lang.  Haha.  Noong April 27, 2011 naman, ayon pa rin sa payo ni Wigi, nagpunta kami sa H.I.S. (Philippines) Travel Corp. sa Serendra para bumili ng Exchange Order.  Ito yung pinapapalit sa Japan para maging JAPAN RAIL PASS.  Ang rail pass ay nagpapahintulot ng walang-hanggang pagsakay sa mga tren na nasa ilalim ng Japan Railways Group depende sa biniling tagal nito.  30500 pesos ang halaga ng dalawang 7-day pass na ordinaryo na binili namin.

At April 29, 2011 na.  Isang araw bago ang paglipad.  Ang ginawa na lang namin sa araw na ito ay nag-empake ng mga damit at ilang mga bagay at pinapalit ang 57265 pesos sa 1300 dollars sa Riverbanks.  Nag-ikot pa kami para makahanap ng magandang exchange rate pero okay na rin yung nakuha namin.  Bago pa man kami makaalis, ang pera na lang namin ay 4235 pesos at 1300 dollars.  Haha.

Bago ko tapusin ang post na ito, nais kong magpasalamat sa mga tumulong sa amin lalo na kay Wigi, VT, at Geno!

Monday, December 31, 2012

Watusi

May kwentong watusi ako.

Noong bata pa ako, mga elementary siguro (hindi ko na maalala yung saktong taon), may isang trabahador na naglalaro ng watusi sa bahay namin.  Eto yung bahay namin sa San Mateo dati na nilisan na namin.  May repair shop kasi na umuupa sa harap at ang kuya dun na hindi ko na maalala ang pangalan ang nagwawatusi.

Bata pa ako noon kaya normal lang na gusto ko rin ng sarili kong watusi.  Naglakas-loob akong humingi ng bente kay nanay at napagbigyan naman ako.  Nagbike ako papuntang tindahan ni Tita Vinia para bumili ng isang kahon na watusi.  Sa aking biyahe pabalik, may "umoberteyk" sa aking dalawang ale na tumatawa na parang mga mangkukulam.  Siguro pinagtatawanan nila ang masigasig kong pagpadyak sa maliit na bike na dala ko.  Malaki na kasi ako nun para sa maliit na bike pero maliit pa para sa malaking bike.

Pag-uwi ko sa bahay, aba nawawala ang watusi na binili ko.  At dahil bata pa ako nun, syempre umiyak ako.  Naawa tuloy sa akin si kuyang may watusi at binigay na lang niya sa akin yung kahon niya kahit bawas na.

Eto lang ang kwentong watusi ko.

P.S. Pakiramdam ko, nahulog ko yung watusi dahil mababaw lang ata ang bulsa ng shorts ko nun.  Tapos napulot nung dalawang ale kaya ganun na lang sila makatawa.

Sunday, December 16, 2012

Sando at Tsokolate

Hindi ko alam kung kilala ko talaga ang sarili ko pero sa tingin ko naman ay kilala ko kahit papaano.  Sa katunayan, alam ko na ang pamumuhay ko ay may pagkasimple.  Kung ano lang talaga ang mga kailangan ko ang meron ako.  Siguro ang kalabisan lang sa mga pagmamay-ari ko (pagmamay-ari raw o) ay mga libro at mga CD/VCD.  Dun lang napupunta ang pera ko kung sakaling may sobra.  Tsaka syempre sa mga masasarap na pagkain.  Masarap kumain e.

Isa sigurong dahilan at naging ganito ako ay ang madalang kong pagtanggap ng mga regalo nung bata pa ako.  Linawin ko lang na okay lang sa akin ito.  Hindi naman ako nagtatampo o kung ano man.  Naisip ko lang na baka may kinalaman ito sa paghubog ng aking pagkatao.

Isa sa mga naaalala kong regalo sa akin noon ay isang kahon ng tsokolate.  Ito ay hugis parihaba at siguro kasing-laki ng isang laptop.  Ang sarap sana nun.  Sa aking pagbukas, naguluhan ang aking murang pag-iisip na sa halip na mga tsokolate, mga sando pala ang laman.

Hindi ko na maalala ang aking reaksyon noon pero ngayong naaalala ko, ako ay natatawa na lang.  Hehehe.

Hindi ko akalain na may matutuwa sa kwento kong yun.  Imbes na sando sa loob ng tsokolate, nakatanggap ako ng tsokolate sa loob ng sando!  Osom!

Sandosenang Tsokolate

Bihira man ako makatanggap ng mga regalo, marunong naman ako magpahalaga.  Kaya para hindi ko makalimutan, eto ang listahan ng sandosenang tsokolate para sa pasko na mula kina Hopiang Paminta at Malayang Puno: 1 na M&M's na milk chocolate, 6 na chocolate gold coins, 3 na kisses, at 2 na flat tops. :)

Maraming salamat, Hopiang Paminta at Malayang Puno!

Thursday, November 29, 2012

Wali Garte

Kilala niyo ba si Willy Garte?

Eto siya ->
Willy Garte

Hindi ako yan.  Pero nakahiligan ko talaga ang kanta niya na Bawal na Gamot.  Lagi ko itong kinakanta sa tuwing nakakakanta ako sa mga bidyokehan.  At dahil sa itsura kong laging mukhang sabog sa droga at sa pangalan na malapit sa Willy, talagang naikabit na sa akin ang pangalang Wali Garte.

Eto ako ->
Wali Garte

Isang bihirang pagtatanghal noong Disyembre 17, 2005 sa Christmas Party ng HyperMedia.  Sayang lang at wala akong kopya ng mga larawan.  Nasa lumang server ata na tuluyan nang naglaho sa kawalan.

Eto na muna siguro.  Ginawa ko naman talaga ang blog na ito para sa aking mga kwento.  Yung isa kong blog kasi may pagkaseryoso ang paksa.  Pero bakit dito ako sa Blogger gumawa at hindi na lang sa sarili kong hosting gamit ang WordPress?  Ewan ko rin.  Napadpad lang ulit ako dito sa Blogger nung nilipat ko ang laman ng Multiply ko.  Tapos aba mukhang mahusay na.  Subukan ko ngang gamitin ulit.  Isa pa, dito ko sa Blogger nakuha ang Gmail account ko.

Wala lang.